Filipinolohista's Blog

July 14, 2012

Kung Bakit Umuulan

Filed under: Uncategorized — filipinolohista @ 3:08 am

KUNG BAKIT UMUULAN Isang Kuwentong Bayan

Posted in Filipino 1

KUNG BAKIT UMUULAN

Isang Kuwentong Bayan

Noong unang panahon, wala pang mundo, wala pang araw at buwan, wala pangoras, at wala pang buhay o kamatayan. Mayroon lang dalawang Diyos, si Tungkung Langit, at ang kaniyang kabiyak na si Alunsina.

“Tingnan mo, mahal, lilikhain ko ang santinakpan para sa iyo!” pagmamalaking sabi ni Tungkung Langit.

“Hayaan mong tulungan kita, kaya ko ring lumikha,” ang sabi ni Alunsina.

“Huwag kang mag-alala, mahal, ito ang regalo ko sa iyo: ang mga bituin, ang mga planeta, ang buwan, ang mga ulap, at ang hangin.”

“Pero makapangyarihan din naman ako, dahil isa akong Diyosa,” bulong ni Alunsina.

Ngumiti lang si Tungkung Langit at niyakap si Alunsina. Pagkatapos, tumindig siya nang matikas, huminga nang malalim, at sumigaw nang pagkalakas-lakas sa kawalan.

Lahat ng sabihin ni Tungkung-Langit ay nagkatotoo. Kumalat ang sinag ng bagong likhang araw. Kumislap-kislap ang mga bituin. Umikot ang mga planeta at lumiwanag ang buwan. Humangin nang pagkalakas-lakas.

At naulit ito nang naulit. Mahal na mahal ni Tungkung Langit si Alunsina, kaya ayaw niya itong mapagod. Ayaw niyang gumamit ng kahit isang daliri si Alunsina upang lumikha ng kahit isang bagay.

“Mas gugustuhin kong maupo ka na lang, magpahinga, at maging maganda,” ang sabi ni Tungkung Langit kay Alunsina.

Ngunit sawa na si Alunsina sa ganoong klaseng buhay. Naramdaman niyang parang wala siyang silbi bilang Diyosa. Gusto niyang lumikha.

“Huwag kang mag-alala,” sabi ni Tungkung Langit sa kaniyang iniibig, “wawakasan ko ang iyong pagkabagot. Lilikha ako ng… oras!” At nagsimula nga ang oras.

Kasamang nalikha ng oras ang alaala… at naalala ni Alunsina ang panahong wala pang laman ang kalawakan, nang hindi siya nakalikha ng kahit ano. “Gusto kong lumikha!” sabi ni Alunsina.

Isang araw, patagong sinundan ni Alunsina si Tungkung Langit. Nang makita siya ni Tungkung Langit, agad siyang tinanong: “Bakit ka narito? Bakit mo ako sinusundan?”

“Gusto kong lumikha! Diyos din ako tulad mo!” sabi ni Alunsina.

“Nababagot ka ba uli, mahal? Huwag kang mag-alala, lilikhain ko ang kulog at kidlat para sa iyo!”

Lumiwanag at dumagundong sa buong kalangitan dahil sa kulog at kidlat. Nagulat ang buong santinakpan. Nagtago ang araw, ang buwan at bituin. Kahit ang hangin ay tumigil sa pag-ihip! Pero hindi natinag si Alunsina. Nakatayo lang siya roon, nanonood, nakakunot ang noo.

“Sawa na akong panoorin ka lang lumikha ng planeta at araw at bituin! Sawa na akong naririto lang, nakaupo, walang ginagawa! Kaya kong lumikha! Isa rin akong Diyosa!”

Pero hindi siya pinakinggan ni Tungkung Langit. Umalis siya at lumikha pa ng maraming bagay sa kalawakan. Akala niya ay nagpapapansin lang si Alunsina.

Hindi na nakayanan ni Alunsina ang lungkot sa kaniyang puso, kaya lumayas siya sa kanilang tirahan. Pag-uwi ni Tungkung Langit, gulat na gulat siya nang makitang walang apoy sa kanilang kalan, walang pagkain sa kanilang mesa. At wala na rin ang kaniyang Alunsina.

“Alunsina! Alunsina!” Hinanap nang hinanap ni Tungkung Langit ang kaniyang asawa, ngunit hindi niya ito matagpuan. Tinawag niya nang tinawag ang pangalan ni Alunsina, ngunit walang binalik ang hangin kundi alingawngaw.

Lumipas ang mahabang panahon, at nasawa rin sa paglikha si Tungkung Langit. Araw-araw, hinanap ni Tungkung Langit ang kaniyang iniibig. Ngunit wala siyang nakita.

Isang araw, sumilip si Tungkung Langit mula sa ilang ulap. Hinawi niya ang mga ulap at sa kaniyang gulat, naroon ang kaniyang asawang si Alunsina.

“Anong ginagawa mo diyan, mahal? Matagal na kitang hinahanap!”

Tumingala si Alunsina. Kitang-kita sa kaniyang mukha ang kaligayahang matagal nang hinahangad ni Tungkung Langit.

“Nilikha ko ang daigdig. Ang daigdig na may puno at halaman, isda at mga ibon.

Nilikha ko ang mga bundok, ang langit, ang karagatan. Nilikha ko ang buhay, dahil isa rin akong Diyos.” At nagpatuloy si Alunsinang lumikha.

Nasaktan si Tungkung Langit. Ang kaligayahang nakita niya sa mukha ng kaniyang asawa ay hindi dahil sa pagkakita sa kaniya.

Mula noon, hindi na bumalik si Alunsina sa kalangitan. Paminsan-minsan, sinusubok siyang pabalikin ni Tungkung Langit sa pamamagitan ng paglikha ng kulog at kidlat. Ngunit hindi na babalik muli si Alunsina.

Mula noon, upang mabisita ni Tungkung Langit ang kaniyang dating asawa, kailangan niyang mag-anyong ulan. Ulan na didilig sa daigdig na nilikha ng kaniyang iniibig, si Alunsina.

 

 http://www.pandiwa.com/kung-bakit-umuulan-isang-kuwentong-bayan-556.php

 

Alamat ni Tungkong Langit

Filed under: Uncategorized — filipinolohista @ 3:06 am

Alamat ni Tungkong Langit

ALAMAT NI TUNGKUNG LANGIT ni Roberto Añonuevo

Posted in Filipino 1

ALAMAT NI TUNGKUNG LANGIT

Roberto Añonuevo

Hindi makapaniwala ang mga tao noon na wala naman talagang langit at lupa. Ako, si Alunsina, at ang asawa kong si Tungkung Langit ang pinagmulan ng lahat ng bagay. Kaming dalawa lamang ang pinag-ugatan ng buhay. Mula sa kaibuturan ng kawalan, itinakda ng aming kasaysayan ang paglitaw ng daigdig ng mga tao.

Nabighani si Tungkung Langit nang una niya akong makita. Katunayan, niligawan niya ako nang napakatagal, sintagal ng pagkakabuo ng tila walang katapusang kalawakan na inyong tinitingala tuwing gabi. At paanong hindi mapaiibig si Tungkung Langit sa akin?

Mahahaba’t mala-sutla ang buhok kong itim. Malantik ang aking balakang at balingkinitan ang mahalimuyak na katawan. Higit sa lahat, matalas ang aking isip na tumutugma lamang sa gaya ng isip ni Tungkung Langit.

Kaya sinikap ng aking matipuno’t makapangyarihang kabiyak na dalhin ako roon sa pook na walang humpay ang pag-agos ng dalisay, maligamgam na tubigan. Malimit kong marinig ang saluysoy ng tubig, na siya ko namang sinasabayan sa paghimig ng maririkit na awit. Napapatigalgal si Tungkung Langit tuwing maririnig ang aking tinig. “Alunsina,” aniya, “ikaw ang iibigin ko saan man ako sumapit!” Pinaniwalaan ko ang kaniyang sinambit.

At ang malamig na simoy sa paligid ang lalo yatang nagpapainit ng aming dibdib kapag kami’y nagniniig.

Napakasipag ng aking kabiyak. Umaapaw ang pag-ibig niya; at iyon ang aking nadama, nang sikapin niyang itakda ang kaayusan sa daloy ng mga bagay at buhay sa buong kalawakan.

Iniatang niya sa kaniyang balikat ang karaniwang daloy ng hangin, apoy, lupa, at tubig. Samantala’y malimit akong maiwan sa aming tahanan, na siya ko namang kinayamutan.

Bagaman inaaliw ko ang sarili sa paghabi ng mga karunungang ipamamana sa aming magiging anak, hindi mawala sa aking kalooban ang pagkainip. Wari ko, napakahaba ang buong maghapon kung naroroon lamang ako’t namimintana sa napakalaki naming bahay.

Madalas akong gumawi sa aming pasigan, at manalamin sa malinaw na tubig habang sinusuklay ang mababangong buhok. Ngunit tuwing tititig ako sa tubig, ang nakikita ko’y hindi ang sarili kundi ang minamahal na si Tungkung Langit.

Sabihin nang natutuhan ko kung paano mabagabag. Ibig kong tulungan ang aking kabiyak sa kaniyang mabibigat na gawain. Halimbawa, kung paano itatakda ang hihip ng hangin. O kung paano mapasisiklab ang apoy sa napakabilis na paraan. O kung paano gagawing malusog ang mga lupain upang mapasupling nang mabilis ang mga pananim.

Ngunit ano man ang aking naisin ay hindi ko maisakatuparan. Tumatanggi ang aking mahal. “Dito ka na lamang sa ating tahanan, Alunsina, di ko nais na makita kang nagpapakapagod!”

Tuwing naririnig ko ang gayong payo ni Tungkung Langit, hindi ko mapigil ang maghinanakit. Kaparis ko rin naman siyang bathala, bathala na may angkin ding kapangyarihan at dunong. Tila nagtutukop siya ng mga tainga upang hindi na marinig ang aking pagpupumilit.

Nagdulot iyon ng aming pagtatalo. Ibig kong maging makabuluhan ang pag-iral. At ang pag-iral na yaon ang sinasagkaan ng aking pinakamamahal. Araw-araw, lalong nagiging abala si Tungkung Langit sa kaniyang paggawa ng kung anu-anong bagay. Makikita ko na lamang siyang umaalis sa aming tahanan nang napakaaga, kunot ang noo, at tila laging malayo ang iniisip. Aaluin ko siya at pipisilin naman niya ang aking mga palad . “Mahal kong Alunsina, kapag natapos ko na ang lahat ay wala ka nang hahanapin pa!” At malimit nagbabalik lamang siya kapag malalim na ang gabi.

Sa mga sandaling yaon, hindi ko mapigil ang aking mga luha na pumatak; napapakagat- labi na lamang ako habang may pumipitlag sa aking kalooban. Dumating ang yugtong nagpaalam ang aking kabiyak. “Alunsina, may mahalaga akong gawaing kailangang matapos,” ani Tungkung Langit. “Huwag mo na akong hintayin ngayong gabi’t maaga kang matulog. Magpahinga ka. Magbabalik din agad ako. . . .” May bahid ng pagmamadali ang tinig ng aking minamahal. Lingid sa kaniya, nagsisimula nang mamuo sa aking kalooban ang matinding paninibugho sa kaniyang ginagawa. Umalis nga si Tungkung Langit at nagtungo kung saan. Subalit pinatititikan ko siya sa dayaray upang mabatid ang kaniyang paroroonan. Ibig ko siyang sundan.

Natunugan ni Tungkung Langit ang aking ginawa. Nagalit siya sa dayaray at ang dayaray ay isinumpa niyang paulit-ulit na hihihip sa dalampasigan upang ipagunita ang pagsunod niya sa nasabing bathala. Samantala, nagdulot din yaon ng mainit na pagtatalo sa panig naming dalawa.

“Ano ba naman ang dapat mong ipanibugho, Alunsina?” asik ni Tungkung Langit sa akin. “Ang ginagawa ko’y para mapabuti ang daloy ng aking mga nilikha sa daigdig ng mga tao!” Napoot ang aking kabiyak sa akin. Nakita ko sa kaniyang mga mata ang paglalagablab, at lumalabas sa kaniyang bibig ang usok ng pagkapoot. Dahil sa nangyari, inagaw niya sa akin ang kapangyarihan ko. Ipinagtabuyan niya ako palabas sa aming tahanan.

Oo, nilisan ko ang aming bahay nang walang taglay na anumang mahalagang bagay. Nang lumabas ako sa pintuan, hindi na muli akong lumingon nang hindi ko makita ang bathalang inibig ko noong una pa man. Hubad ako nang una niyang makita. Hubad din ako nang kami’y maghiwalay.

Alam kong nagkamali ng pasiya si Tungkung Langit na hiwalayan ako. Mula noon, nabalitaan ko na lamang na pinananabikan niya ang paghihintay ko sa kaniya kahit sa gitna ng magdamag; hinahanap niya ang aking maiinit na halik at yakap; pinapangarap niyang muling marinig ang aking malambing na tinig; inaasam-asam niya na muli akong magbabalik sa kaniyang piling sa paniniwalang ibig kong makamit muli ang kapangyarihang inagaw niya sa akin. Ngunit hindi. Hindi ko kailangan ang aking kapangyarihan kung ang kapangyarihan ay hindi mo rin naman magagamit. Hindi ko kailangan ang kapangyarihan kung magiging katumbas iyon ng pagkabilanggo sa loob ng bahay at paglimot sa sariling pag-iral.

Ipinaabot sa akin ng dayaray ang naganap sa dati naming tahanan ni Tungkung Langit. Sinlamig ng bato ang buong paligid. Pumusyaw ang dating matitingkad na palamuti sa aming bahay. Lumungkot nang lumungkot si Tungkung Langit at laging mainit ang ulo. “Mabuti naman,” sabi ko sa dayaray. “Ngayon, matututo rin si Tungkung Langit na magpahalaga sa kahit na munting bagay.”

Umaalingawngaw ang tinig ni Tungkung Langit at inaamo ako rito sa aking bagong pinaghihimpilan upang ako’y magbalik sa kaniya. Ayoko. Ayoko nang magbalik pa sa kaniya. Kahit malawak ang puwang sa aming pagitan, nadarama ko ang kaniyang paghikbi.

Oo, nadarama ko ang kaniyang pighati. Lumipas ang panahon at patuloy niya akong hinanap. Ngunit nanatili siyang bigo.

Ang kaniyang pagkabigo na mapanumbalik ang aking pagmamahal ay higit niyang dinamdam. Nagdulot din yaon sa kaniya upang lalong maging malikhain sa paghahanap.

Akala niya’y maaakit ako sa kaniyang gawi. Habang nakasakay sa ulap, naisip niyang lumikha ng malalawak na karagatan upang maging salamin ko. Hindi ba, aniya, mahilig si Alunsina na manalamin sa gilid ng aming sapa? Nababaliw si Tungkung Langit. Hindi gayon kababaw ang aking katauhang mabilis maaakit sa karagatan.

Pumaloob din si Tungkung Langit sa daigdig na nilikha niya na laan lamang sa mga tao. Naghasik siya ng mga buto at nagpasupling ng napakaraming halaman, damo, palumpong, baging, at punongkahoy. “Marahil, maiibigan ito ni Alunsina,” ang tila narinig kong sinabi niya. Gayunman, muli siyang nabigo dahil hindi ako nagbalik sa kaniyang piling.

Humanap pa ng mga paraan ang dati kong kabiyak upang paamuin ako. Halimbawa, kinuha niya sa dati naming silid ang mga nilikha kong alahas. Ipinukol niya lahat ang mga alahas sa kalawakan upang masilayan ko. Naging buwan ang dati kong ginintuang suklay; naghunos na mga bituin ang mga hiyas ko’t mutya; at naging araw ang ginawa kong pamutong sa ulo. Kahit ano pa ang gawin ni Tungkung Langit, hindi na muli akong nagbalik sa kaniyang piling.

Namighati siya. At nadama niya kung paanong mamuhay nang mag-isa, gaya lamang ng naganap sa akin dati roon sa aming tirahan. Lumuha nang lumuha si Tungkung Langit, at ang kaniyang pagluha ay nagdulot sa unang pagkakataon ng pag-ulan. Kapag siya’y humahagulgol, nagbubunga yaon ng malalakas na pagkulog at pagkidlat. May panahong tumitindi ang kaniyang pighati, kaya huwag kayong magtaka kung bakit umuulan. Ang  mga luha ni Tungkung Langit ang huhugas sa akin, at sa aking kumakawag na supling.

(Hango sa mito ng Hiligaynon at Waray, at muling isinalaysay ni Roberto T. Añonuevo)

Ang Pintor ni Jerry Gracio

Filed under: Uncategorized — filipinolohista @ 3:01 am

Gumuhit siya ng ibon
Lumipad ito palayo
Gumuhit siya ng isda,
Lumangoy ito sa hangin.
Gumuhit siya ng bulaklak,
Nagkalat ang halimuyak sa dilim.
Iginuhit niya ang sarili,
At inangkin siya ng kambas.

 

http://www.pandiwa.com/ang-pintor-ni-jerry-gracio-564.php

Ang Salamin ni Assunta Cuyegkeng

Filed under: Uncategorized — filipinolohista @ 2:58 am

SALAMIN
Assunta Cuyegkeng
Walang kurap siyang titingin sa akin,
itong kakambal ko sa salamin.
Pag-aaralan ang linya at pekas
na unti-unti nang kumalat sa aking mukha
pag-aaralan pati ang mata kong
kape pala  ang kulay, hindi itim.
Walang kurap siyang magmamasid,
pag-aaralan ang takbo ng aking dibdib
na kung minsan, kumakabog,
kung minsan, natutulog.
Dito nagtatago ang aking mangingibig,
ina at ama, anak, kapatid,
ang init ng gising kong dugo,
ang hininga ng Diyos na matiyagang
nakikinig.
Tatapatan niya ako,
sisipatin mula paa hanggang ulo
at ihaharap sa akin,
walang retoke,
ang buo kong pagkatao.

Canterbury, 1 Mayo 1992http://www.pandiwa.com/salamin-ni-assunta-cuyegkeng-562.php

 

June 30, 2012

Sandaang Damit ni Fanny A. Garcia

Filed under: Uncategorized — filipinolohista @ 8:07 am

 

1. May isang batang babaing mahirap. Nag-aaral siya. Sa paaralan ay kapansin-pansin ang kanyang pagiging walang imik. Madalas ay nag – iisa siya. Lagi siyang nasa isang sulok. Kapag nakaupo na’y tila ipinagkit. Lagi siyang nakayuko, mailap ang mga mata, sasagot lamang kapag tinatawag ng guro, halos paanas pa kung magsalita.

 

2. Naging mahiyain siya sapagkat maaga niyang nalaman na kaiba ang kanyang kalagayan kung ihahambing sa mga kaklase. Ipinakita at ipinabatid nila iyon sa kanya. Mayayaman sila. Magaganda at iba-iba ang kanilang damit na pamasok sa paaralan. Madalas ay tinutukso siya dahil sa kanyang damit. Ang kanyang damit, kahit malinis ay halatang luma na, palibahasa ay kupas na at punung-puno pa ng sulsi.

 

3. Kapag oras ng kainan at labasan nag kani-kaniyang pagkain, halos ay ayaw niyang ipakita ang kanyang baon. Itatago niya sa kanyang kandungan ang pagkain, pipiraso nang kaunti, tuloy subo sa bibig, mabilis upang hindi malaman ng mga kaklase kung ano ang dalang pagkain. Sa sulok ng kanyang mata’y masusulyapan niya ang mga pagkaing dala ng kanyang mga kaklase gaya ng mansanas, sandwiches, mga imported at mamahaling tsokolate .

 

4. Ang panunukso ng mga kaklase ay hindi nagtatapos sa kanyang mga damit. Tatangkain nilang silipin kung ano ang kanyang pagkain at sila’y magtatawanan kapag nakita nila na ang kanyang baon ay isa lamang pirasong tinapay na karaniwa’y walang palaman.

 

5. Kaya lumayo siya sa kanila. Siya ay naging walang kibo at mapag -isa.

 

6. Ang nangyayaring ito ay batid ng kanyang ina. Pag uwi sa bahay, madalas siyang umiiyak dahil sa panunukso ng mga kaklase at siya’y nagsusumbong sa ina. Mapapakagat – labi ang kanyang ina, matagal itong hindi makakibo, at sabay haplos nito sa kanyang buhok at may pagmamahal na sasabihin sa kanya, “Bayaan mo sila, anak, huwag mo silang pansinin. Hayaan mo, kapag nagkaroon ng trabaho ang iyong ama, makapagbabaon ka na rin ng masasarap na pagkain. Maibibili rin kita ng maraming damit.”

 

7. At lumipas pa ang maraming araw. Ngunit ang ama ay hindi pa rin nakakuha ng trabaho kaya ganoon pa rin ang kanilang buhay. Ang bata naman ay unti-unting nakauunawa sa kanilang kalagayan. Natutuhan niyang makibahagi sa malaking suliranin ng kanilang pamilya. Natutuhan niyang sarilinin ang pagdaramdam sa panunukso ng mga kaklase. Hindi na siya nagsusumbong sa kanyang ina.

 

8. Sa kanyang pagiging tahimik ay ipinalagay ng kanyang mga kaklase na siya ay kanilang talu-talunan kaya lalongsumidhi ang kanilang pang-aasar. Lumang damit. Di-masarap na pagkain. Mahirap. Pilit na ipinasok nila sa kanyang isip.

 

9. Hanggang nang isang araw ay natuto siyang lumaban.

 

10. Sa buong pagtataka nila’y bigla na lamang natutong sumagot ang mahirap na batang babae na laging luma, kupas at puno ng sulsi ang damit. Ang batang babae na ang laging baon ay tinapay na walang palaman. Isa na naman iyong pagkakataong walang magawa ang kanyang mga kaklase kung hindi ang tuksuhin siya.

 

11. “Alam ninyo,” sabi niya sa malakas at nagmamalaking tinig, ”ako’y may sandaang damit sa bahay.”

 

12. Nagkatinginan ang kanyang mga kaklase. Hindi sila makapaniwala. “Kung totoo iyan ay bakit lagi na lang luma ang isinusuot mo?”

 

13. Mabilis ang sagot niya, “dahil iniingatan ko ang aking sandaang damit. Ayokong maluma agad.”

 

14. “Sinungaling ka! Ipakita mo muna sa amin para kami maniwala!” iisang sabi nila sa batang mahirap.

 

15. “Hindi ko madadala rito. Baka makagalitan ako ni Nanay. Kung gusto ninyo ay sasabihin ko na lang kung ano ang tabas, kung ano ang tela, kung ano ang kulay, kung may ribbon o may bulaklak.”

 

16. At nagsimula na nga siya sa kanyang pagkukwento. Paano ay inilalarawan niya hanggang kaliit-liitang detalye ang bawat isa sa kanyang sandaang damit. Tulad halimbawa ng isang damit na pamparti. Makintab na rosas ang tela na maraming mumunting bulaklak, bolga ang manggas, may tig-isang ribbon sa magkabilang balikat. Hanggang sakong ang haba ng damit. O kaya ay ang kanyang dilaw na pantulog na may burda. O ang kanyang puting pansimba na may malapad na sinturon at malaking bulsa.

 

17. Mula noon ay naging kaibigan na niya ang mga kaklase. Ngayon, siya na ang laging nagsasalita at sila ang nakikinig. Lahat sila ay natutuwa sa kanyang kwento tungkol sa sandaang damit. Nawala ang kanyang pagiging mahiyain. Naging masayahin siya bagaman patuloy pa rin ang kanyang pamamayat kahit na ngayo’y nabibigyan nila siya ng kapiraso ng kanilang baong mansanas o sandwich.

 

18. Isang araw, hindi pumasok sa klase ang mahirap na batang babaing may sandaang damit. Saka ng sumunod na araw at ng sumunod pang araw. Pagkaraan ng isang linggong hindi pagpasok ay nag-alala ang kanyang mga kaklase at guro.

 

19. Isang araw ay nagpasya silang dalawin ang batang matagal ng absent sa klase. Ang natagpuan nilang bahay ay sira-sira at nakagiray na sa kalumaan.

 

20. Lumabas ang isang babaing payat, iyon ang ina ng batang mahirap. Sila ay pinatuloy at nakita nila ang maliit na kabuuan ng kabahayan na salat na salat sa marangyang kasangkapan. Sa isang sulok ay isang lumang papag at doon nakaratay ang batang babaing may sakit pala. Ngunit sa mga dumalaw ay di agad ang maysakit ang napagtuunan ng pansin kundi ang mga papel na maayos na nakadikit sa dingding sa may tabi ng papag. Lumapit sila sa sulok at nakita nilang ang mga papel na nakadikit sa dingding ay yaong mga drowing ng bawat isa sa sandaang papel. Magaganda, makukulay. Naroong lahat ang kanyang naikuwento. Totoo at naroroon ang sinasabi niyang rosas na damit na pamparti. Naroroon din ang drowing ng kanyang damit pantulog, ang kanyang pansimba, ang mga sinasabi niyang pamasok sa paaralan na kailanma’y hindi nasilayan ng mga kaklase dahil ayon sa kanya’y nakatago at iniingatan sa bahay.

 

21. Sandaang damit na pawang drowing lamang.

 

http://markjan-markjan.blogspot.com/2009/08/sandaang-damit-ni-fanny-garcia.html

June 12, 2012

Isang Dosenang Klase ng High School Student ni Bob Ong

Filed under: Uncategorized — filipinolohista @ 2:59 am

Isang Dosenang Klase ng High School

(Halaw sa librong ABNKKBSNPLAko?!)

Ni: Bob Ong

 

Clowns- Ang official kenkoy ng klase. May mga one-liner na gumigising sa lahat kapag nagkakaantukan na. Sabi ng mga teacher, eto raw ‘yung mga KSP sa klase na dahil hindi naman matalino e idinadaan nalang sa patawa ang pagpapapansin. Pero aaminin ko, walang klaseng walang ganito, at kung mayroon man, magiging matinding sakripisyo ang pagpasok sa eskwela araw-araw.

 

Geeks- Mga walang pakialam sa mundo, libro-teacher-blackboard lang ang iniintindi. Kahit na mainit ang ulo at badtrip ang teacher, ang mga geeks ang walang takot na lumalapit sa kanila para lang itanong kung mag-iiba ang resulta ng equation kung isa-substitute ‘yung value ng X sa Y.

 

Hollow Man- May dalawang uri ng HM virus, ang type A at type B. Ang type A ay mga estudyanteng madalas invisible, bakante ang upuan, madalas absent. Type B naman ang mga mag-aaral na bagama’t present e invisible naman madalas ang sagot sa mga quiz, hollow ang utak.

 

Spice Girls- Barkadahan ng mga kababaihang mahilig gumimik, sabay-sabay pero laging late na pumapasok ng room pagkatapos ng recess at lunch break. Madalas na may hawak na suklay, brush at songhits. Pag pinagawa mo ng grupo ang isang klase, laging magkakasama sa iisang grupo ang SG.

 

Da Gwapings- Ang male counterpart ng SG, isinilang sa mundo para magpa-cute. Konti lang ang miyembro nito, mga dalawa hanggang apat lang, para mas pansin ang bawat isa. Tulad ng SG, kadalasang puro hair gel lang ang laman ng mga utak ng mga DG.

 

Celebrities- Politicians, athletes, at performers. Politicians ang mga palaban na mag-aaral na mas nag-aalala pa sa kalagayan ng eskwelahan at kapwa estudyante kesa sa grades nila sa Algebra. Athletes ang ilang varsitirian na kung gaano kabilis tumakbo e ganoon din kabagal magbasa. Performers naman ang mga estudyanteng kaya lang yata pumapasok sa eskwela e para makasayaw, makakanta, at makatula sa stage sa tuwing Linggo ng Wika. Sa pangkalahatan, ang mga celebreties ay may matinding PR, pero mababang IQ.

 

Guinnees-  Mga record holders pagdating sa persistence. Pilit pinupunan ng kasipagan ang kakulangan ng katalinuhan. Sila ang kadalasang nagtatagumpay sa buhay. Masinop sa projects, aktibo sa recitation. Paulit-ulit at madalas magtaas ng kamay kahit na mali ang sagot.

 

Leather Goods- Mga estudyanteng may maling uri ng determinasyon. Laging determinado ang mga ito sa harapang pangongopya, bulgarang pandaraya, at palagiang pagpapalapad ng papel sa teacher. Talo ang balat ng buwaya sa pakapalan.

 

Weirdos- Mga problematic students, misunderstood daw, kadalasang tinatawag na black sheep ng klase. May kanya-kanya silang katangian. Konti ang kaibigan, madalas mapaaway, mababa ang grades, at teacher’s enemy.

 

Mga Anak ni Rizal- Ang endangered species sa eskwelahan. Straight ‘A’ students, pero well rounded at hindi geeks. Teacher’s pet, pero hindi sipsip. Hari ng Math, Science, at English, pero may oras pa rin sa konting extra-curricular activities at gimmicks.

 

Bob Ongs- Mga medyo matino na medyo may sayad. Eto ‘yung estudyanteng habang nagle-lecture ‘yung teacher e pinaplano na ‘yung librong ipa-publish nya tungkol sa mga classmates n’ya.

 

Commoners- Mga generic na miyembro ng klase. Kulang sa individuality at katangiang umuukit sa isipan. Hindi sila kagad napapansin ng teacher pag absent, at sa paglipas ng panahon, sila ang mga taong unang nakakalimutan ng mga teachers at classmates nila.

 

 

 

Pahina 99-102

 

Sinaliksik ni:

Desierto, Rocel G.

Norzagaray Academy

Hunyo 8, 2012

Ang Sundalong Patpat ni Virgilio Almario

Filed under: Uncategorized — filipinolohista @ 2:43 am

ANG SUNDALONG PATPAT

Rio Alma

 

Unang Pangkat: “Saan ka pupunta, O, Sundalong Patpat,” tanong ng sampalok. “Saan ka dadalhin ng kabayong payat?” “Hahanapin

ko ang nawawalang ulan,” sagot ng Sundalong Patpat habang inaayos ang papel na sombrero. “Pero hindi hinahanap ang ulan,” nagtatakang

nagkamot ng tuktok ang sampalok. “Dumarating ito kung kailan gusto.” “Kung gayon, aalamin ko kung bakit matagal nang

ayaw dumalaw ng ulan,” sagot ng Sundalong Patpat at pinatakbo ang kaniyang kabayong payat.

 

Ikalawang Pangkat: “Saan ka pupunta, O, Sundalong Patpat,” tanong ng manok. “Saan ka dadalhin ng kabayong payat?” “Hahanapin

ko ang nakalimot na ulan,” sagot ng Sundalong Patpat habang nagpupunas ng pawis na tumatagaktak. “Pero hindi hinahanap ang

ulan,” nagtatakang tilaok ng manok. “Dumarating ito kung tinatawagan at dinadasalan.” “Kung gayon, aalamin ko kung bakit matagal

nang hindi makarinig ang ulan,” sagot ng Sundalong Patpat at pinatakbo ang kaniyang kabayong payat.

 

Ikatlong Pangkat: “Saan ka pupunta, O, Sundalong Patpat,” tanong ng bundok. “Saan ka dadalhin ng kabayong payat?” “Hinahanap

ko ang nawawalang ulan,” sagot ng Sundalong Patpat habang hinihimas ang kabayong humihingal. “Matagal nang umalis dito ang

ulan,” paliwanag ng kalbong bundok. “Nagtago sa pinakamataas na ulap.” “Kung gayon, aakyatin ko ang ulap,” sabi ng Sundalong

Patpat at umimbulog agad sa simoy na pumapagaspas.

 

Ikaapat na Pangkat: “Saan ka pupunta, O, Sundalong Patpat,” tanong ng ulap. “Saan ka dadalhin ng kabayong payat?” “Hinahanap

ko ang nagtatagong ulan,” sagot ng Sundalong Patpat habang tinatapik ang nahihilong kabayong payat. “Matagal nang umalis dito

ang ulan,” paliwanag ng maputlang ulap. “Nagtago sa pusod ng dagat.” “Kung gayon, sisisirin ko ang dagat,” sabi ng Sundalong Patpat

at lumundag pabulusok sa mga along nakatinghas.

 

Ikalimang Pangkat: “Saan ka pupunta, O, Sundalong Patpat,” tanong ng dagat. “Saan ka dadalhin ng kabayong payat?” “Hinahanap

ko ang nagtatagong ulan,” sagot ng Sundalong Patpat at iwinasiwas ang espadang patpat. “Pero hindi nagtatago ang ulan,” paliwanag

ng nagniningning na dagat. “Ibinilanggo ni Pugita sa kaniyang mutyang perlas.” “Kung gayon, papatayin ko si Pugita,” sabi ng matapang

na Sundalong Patpat. “Palalayain ko ang ulan.”

At sinugod ng Sundalong Patpat sakay ng kaniyang kabayong payat ang yungib ni Pugita. Nagulat si Pugita sa biglang pagpasok ng

Sundalong Patpat na iwinawasiwas ang espadang patpat. Nagulat si Pugita sa liksi at lakas ng maliit na Sundalong Patpat. Nagulat si

Pugita sa talim at talas ng kumikislap na espadang patpat.

Una at Ikalawang Pangkat: Mabilis at isa-isang tinigpas ng Sundalong Patpat ang malalaki’t mahahabang galamay ng mabagal at

matabang dambuhala. Isa, dalawa, tatlo. Apat. Lima. Anim. Pito. Walo! Huli na nang magbuga ng maitim na tinta si Pugita. Nasungkit

na ng Sundalong Patpat ang mutyang perlas na nakapalawit sa kuwintas ng nalumpong hari ng dagat!

 

Ikatlo at Ikaapat na Pangkat: Hawak ang perlas, dali-daling sumibad patungong pampang ang Sundalong Patpat sakay ng mabilis

na kabayong payat. Pag-ahon ay agad niyang ipinukol ang mutyang perlas paitaas, mataas, mataas na mataas, hanggang umabot sa

tiyan ng ulap at sumabog na masaganang ulan.

 

Ikalimang Pangkat: Nagbunyi ang buong daigdig. Sumupling muli’t naglaro ang mga damo’t dahon. Nagbihis ng lungtian ang mga

bukid at bundok. Muling umawit ang mga ibon at ilog…

 

Lahat: “Saan ka pupunta, O, Sundalong Patpat,” tanong ng sampalok. “Saan ka na naman dadalhin ng kabayong payat?” “Hahanapin

ko ang gusi ng ginto sa puno ng bahaghari,” sagot ng makisig na Sundalong Patpat at pinatakbo ang makisig na kabayong payat.Image

Batang Bata Ka Pa by APO Hiking Society

Filed under: Uncategorized — filipinolohista @ 2:27 am

Apo Hiking Society
Batang Bata Ka Pa lyrics

 (Danny)
Batang-bata ka pa at marami ka pang
Kailangang malaman at intindihin sa mundo
Yan ang totoo
Nagkakamali ka kung akala mo na
Ang buhay ay isang mumunting paraiso lamang

Batang-bata ka lang at akala mo na
Na alam mo na ang lahat na kailangan mong malaman buhay ay di ganyan
Tanggapin mo na lang ang katotohanan
Na ikaw ay isang musmos lang na wala pang alam
Makinig ka na lang, makinig ka na lang

(APO)
[chorus 1]
Ganyan talaga ang buhay lagi kang nasasabihan
Pagkat ikaw ay bata at wala pang nalalaman
Makinig ka sa ‘king payo pagkat musmos pa lamang
At malaman nang maaga ang wasto sa kamalian

(Boboy)
Batang-bata ako at nalalaman ko ‘to
Inaamin ko rin na kulang ang aking nalalaman at nauunawaan
Ngunit kahitganyan ang kinalalagyan
Alam mo na may karapatan angbawat nilalang kahit bata pa man, kahit bata pa man

(APO)
[chorus 2]
Nais ko sanang malaman ang mali sa katotohanan
Sariling pagraranas ang aking pamamagitan
Imulat ang isipan sa mga kulay ng buhay
Maging tunay na malaya ‘sang katangi-tanging bata

(Danny)
Batang-bata ka pa at marami ka pang kailangang malamn at intindihin sa mundo

(Boboy)
Nais ko sanang malaman ang mali sa katotohanan

(Danny)
Batang-bata ka lang at akala mo na, na alam mo na ang lahat na kailangang malaman

(Boboy)
Sariling pagraranas ang aking pamamagitan

(Danny)
Nagkakamali ka kung akala mo na ang buhay ay isang mumunting paraiso lamang

(APO)
La, la, la, la, la, la, la
La, la, la, la, la, la, la

 

 

 

http://www.lyricsmode.com/lyrics/a/apo_hiking_society/batang_bata_ka_pa.html

 

Sinaliksik ni:

Desierto, Rocel G.

Norzagaray Academy

Hunyo 7, 2012

 

 

 

 

 

 

February 20, 2010

PAGSILIP SA LANSANGAN NG EDSA… REVOLUTION 1

Filed under: Uncategorized — filipinolohista @ 3:29 am

Sino ba naman ang hindi nakakaalam sa isa sa mga pinakamahalagang pangyayari sa kasaysayan ng Pilipinas kung saan ang pangyayaring ito ang nagbukas sa isipan ng mga Filipino na magkaisa at manindigan para sa kapakanan ng ating bayan. Ito rin ang pangyayaring naging dahilan upang kilalanin sa buong mundo ang lahing Kayumanggi bilang mga dugong may pagkakaisa, makabayan at maka-Diyos.

Ito ang Himagsikan ng Lakas ng Bayan o mas kilala bilang People Power Revolution sa wikang Ingles na tinatawag ding EDSA Rebolusyon ng 1986. Isa itong mapayapang demonstrasyon na nagtagal ng apat na araw sa Pilipinas, mula ika-22 ng Pebrero hanggang ika-25 ng taong iyon. Nag-ugat ang nasabing rebolusyon sa serye ng mga kilos protesta ng mga tao laban sa diktaturyang pamumuno ni dating pangulong Ferdinand Marcos. Pinaigting ito nang napatay si Benigno “Ninoy” Aquino noong 1983. Maraming mga tao ang nakilahok dito na halos umabot sa tatlong milyong mga Filipino kasama na ang mga mga sibilyan, militar at mga alagad ng simbahan tulad ni Jaime Cardinal Sin. Nagdulot ito ng pagbagsak na pamahalaang diktatoryal ni Pangulong Ferdinand Marcos at ang paghalili ni Corazon Aquino sa posisyong nilisan ni Marcos.

Naganap ang mga demonstrasyon sa Epifanio de los Santos Avenue (EDSA), isang mahalagang daan sa Kalakhang Maynila. Sa tuwing mapapadaan ako sa sa kahabaan ng EDSA, nagbabalik sa aking alaala ang nangyaring demostrasyon dito bagamat alam kong hindi pa ako humihinga sa mundong ito nang mga panahong iyon. Gayunpaman, hindi man ako sangkot sa mga oras na yaon ay isa ako sa mga nakinabang at patuloy na nakikinabang sa demokrasyang naidulot nito sa bawat Filipino, kung ‘demokrasya’ man nga itong matatawag.

Sa taong ito ay ang ika-24 na taon na pagdiriwang ng anibersaryo ng EDSA revolution. Ano nga ba ang kasaysayan ng People Power na ito? Tayo’y magbalik tanaw.
Ang Rehimeng Marcos. Nahalal si Ferdinand Marcos bilang pangulo ng Pilipinas noong 1965, at natalo niya si Diosdado Macapagal na noon ay kasalukuyang nakaupo bilang Pangulo. Sa ilalim ng kanyang pamumuno naging aktibo si Marcos sa mga proyektong imprastraktura, agrikultura at pampublikong serbisyo na nagdala sa Pilipinas sa pinansyal na kasaganahan. Sa kabila ng bali-balita ng dayaan sa eleksyon, nahalal muli si Marcos noong 1969, at natalo niya si Sergio Osmeña Jr.
Maraming mga alegasyon ng katiwalian ang lumitaw sa kanyang ikalawang termino ng kanyang pamumuno. Maraming mga tao ang naghirap, at dahil dito tumaas ang kaso ng krimen at mga kaguluhan sa bansa. Ito ang naging dahilan sa pagbuo ng mga rebeldeng grupo katulad ng New People’s Army (NPA), at ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) na naglalayon na magkaroon ng isang hiwalay na bansa mula sa Pilipinas.
Hindi na puwedeng tumakbo sa kandidatura si Marcos para sa halalan sa 1973. Dahil dito, noong Setyembre 21, 1972, sa pamamagitan ng Proklamasyon 1081, nilagay ni Marcos ang buong bansa sa ilalim ng Batas Militar. Dinahilan niya dito ang lumalaganap na kaguluhan sa bansa. Sa ilalim ng batas militar, pinasara ang lahat ng mga institusyon ng midya, at ang ilan sa kanila ay kinuha ng gobyerno. Ang tangi lamang na tumatakbong mga pahayagan noon ay ang Daily Express at ang Manila Bulletin na noon ay tinatawag na Bulletin Today. Ang mga estasyon ng telebisyon na siyang pinapasahimpapawid lamang ay ang Channel 4 at Channel 2, na dating pag-mamay-ari ng mga Lopez. Marami din sa mga kritiko ni Marcos ang pinahuli, ang isa sa mga pinakakilala sa kanila ay si Benigno Aquino, na isang senador sa oposisyon at ang tinuturing na pinakamainit na kritiko ni Marcos.
Pagpaslang kay Ninoy Aquino. Lumuwas ng Estados Unidos si Ninoy Aquino noong 1981 dahil sa kanyang kalusugan at dahil na rin sa kanyang seguridad. Makalipas ang tatlong taon, noong taong 1983, ipinahayag ni Aquino ang kanyang kagustuhang makabalik sa Pilipinas, kahit na marami sa kanyang mga kaibigan at tagasuporta ang tutol dito.
Noong Agosto 21, 1983, pinaslang si Aquino habang siya ay papalabas ng isang eroplano sa Manila International Airport (na ngayon ay pinangalan sa kaniya). Nagdulot ito ng malaking galit sa mga Pilipino, na karamihan ay wala nang tiwala sa administrasyong Marcos. Maraming paraan ng kilos protesta ang ginawa, kabilang na ang civil disobedience. Noong panahon ding iyon, nagsisimula nang humina ang kalusugan ni Marcos dahil sa kaniyang karamdaman na Lupus.
Noong 1984, inatasan ni Marcos ang isang komisyon, sa pamumuno ng Punong Hurado Enrique Fernando, na magsagawa ng imbestigasyon sa pagpaslang kay Aquino. Ayon sa kanilang huling report, ang mga militar ang tunay na sangkot sa nasabing pagpaslang. Naging malaki itong dagok sa pabagsak nang pamahalaan.
Ang nasabing pagpaslang, kabilang na ang ibang mga suliranin, ang mas lalo pang nagpalubog sa Pilipinas sa isang krisis pang-ekonomiya. Ang ekonomiya ng bansa ay lumiit hanggang sa 6.8%.
Ang Snap Election. Dahil sa patuloy na pagdududa ng mga Pilipino sa kakayahan ng pamahalaan, minabuting minungkahi ng Washington kay Marcos ang pagsasagawa ng biglaang halalan (snap election). Pinakinggan ni Marcos ang mungkahing ito. Pinagbisa ang biglaang halalan sa pamamagitan ng Batas Pambansa Blg 883 ng Regular Batasang Pambansa, isang unikameral na kongreso na kontrolado ni Marcos. Tumakbo muli si Marcos sa halalan, kasama si Arturo Tolentino bilang kanyang pangalawang presidente. Tumakbo si Corazon Aquino, ang balo ni Ninoy Aquino, matapos ang matinding pakikiusap at suporta ng oposisyon at maging ng taong bayan. Si Salvador Laurel ang naging pangalawang presidente ni Aquino.
Naganap ang halalan noong Pebrero 7, 1986. Ang eleksyon na ito ang isa sa mga pinakakontrobersyal sa kasaysayan ng bansa, na may maraming balita ng malawakang dayaaan na naganap. Dineklara ng opisyal na tagabliang ng boto, ang Komisyon ng Halalan (Commission of Elections o Comelec), si Marcos bilang nagwagi. Ayon sa kanila, nanalo si Marcos na mayroong 10,807,197 boto laban kay Aquino na nakakuha lamang diumano ng 9,291,761 boto. Ayon naman sa National Movement for Free Elections (Pambansang Kilusan ng Malayang Pagboto o Namfrel), isang akreditadong tagamasid ng halalan (poll watcher), nanalo si Aquino ng 7,835,070 boto laban kay Marcos na nakakuha lamang diumano ng 7,053,068 boto. Dahil sa malawakang dayaan sa halalan nag-walk-out ang 29 na computer technician bilang protesta sa sapilitang pagmamanipula ng boto para palitawin na si Marcos ang panalo.

Dahil dito nagpahayag ang Catholic Bishop’s Conference of the Philippines (CBCP) ng pagkondena sa nasabing halalan. Ganun din ang pinahayag ng pamahalaan ng Estados Unidos. Ayon mismo sa pangulo ng Amerika na si Ronald Reagan, na siyang kaibigan ni Marcos, “nakakabahala” [6] ang mga bali-balita ng malawakang dayaan. Sa kabila ng mga malawakang protesta at pagkondena, pinahayag pa rin ng COMELEC na si Marcos ang nanalo sa pamamagitan ng 51 porsyento. Pinahayag naman ng NAMFREL na nanalo si Aquino ng 52 porsyento.
Pinahayag ng Batasang Pambansa noong Pebrero 15 si Marcos at si Aquino bilang mga nagwagi. Lahat ng 50 oposisyon ay nag-walkout sa pagprotesta. Hindi matanggap ng mga Pilipino ang resulta, at sa halip naniwala sila na si Aquino ang tunay na nanalo. Nanawagan si Aquino ng malawakang hindi-pagtangkilik (boykot) sa mga produktong pagmamay-ari ng mga crony ni Marcos. Dahil dito lalo pang bumagsak ang ekonomiya ng Pilipinas.
Ang Rebolusyon sa EDSA. Dahil na rin sa mga balita ng malawakang pandaraya sa eleksyon, nagbalak ang ilang mga sundalo sa pamumuno ng noon ay Kalihim ng Pambansang Depensa, si Juan Ponce Enrile, na pabagsakin ang pamahalaang Marcos. Sa kasamaang palad, nalaman ni Marcos ang balak na ito, at agad na pinag-utos niya ang pagdakip sa mga pinuno nito. Dahil nahaharap siya sa napipintong pagdakip sa kaniya, humingi ng tulong si Enrile sa AFP Chief of Staff na si Lt Gen Fidel Ramos. Pumayag si Ramos na magbitiw sa kaniyang puwesto at sinuportahan ang mga rebeldeng sundalo. Kinausap din ni Enrile ang Arsobispo Katoliko ng Maynila na si Jaime Cardinal Sin para sa suporta.
Noong 6:30 ng gabi nagkaroon ng press conference si Enrile at Marcos sa Kampo Aguinaldo. Ipinahayag nila ang kanilang pagbibitiw sa puwesto sa gabinete ni Marcos at ang kanilang pagtiwalag sa suporta ng gobyerno. Nagpatawag din ng sariling press conference si Marcos at sinabi niya kay Ramos at Enrile na sumuko na lang, at “tigilan ang kamangmangang ito.
Bandang ika-siyam ng gabi, sa pamamagitan ng Radio Veritas na pinapatakbo ng Romano Katoliko, nanawagan si Cardinal Sin sa mga taong bayan na pumunta sa EDSA para suportahan ang mga rebeldeng sundalo sa Kampo Crame at Kampo Aguinaldo sa pamamagitan ng iba’t ibang bagay na makakatulong sa kanila, tulad ng pagbibigay ng pagkain at ng iba pa nilang pangangailangan. Sa kabila ng kapahamakan na maaaring dumating sa kanila laban sa puwersa ng gobyerno, nagpunta ang mga sibilyan, maging ang mga madre at pari, sa EDSA.
Malaki ang bahagi ng Radio Veritas sa rebolusyong ito. Ayon sa dating pangulo ng Unibersidad ng Pilipinas na si Francisco Nemenzo, magiging imposible na hikayatin ang mga tao na makilahok sa rebolusyong ito sa ilang oras lamang kung wala ang Radio Veritas.
Ang lumalaking suporta ng masa. Noong kasagsagan ng rebolusyon, tinatayang nasa isa hanggang tatlong milyong katao ang pumuno sa EDSA mula sa Ortigas Avenue hanggang Cubao. Ang larawan ay sa itaas ay nagpapaita ng intersection ng EDSA at Boni Serrano Avenue, sa pagitan ng Kampo Krame at Kampo Aguinaldo.
Noong madaling araw ng Linggo, pumunta ang mga sundalo ng gobyerno para wasakin ang transmitter ng Radio Veritas, at dahil doon marami ang mga tao sa probinsya ang hindi makasagap ng impormasyon. Dahil dito napilitan ang estasyon na gamitin ang pangalawa (backup) nitong transmitter na mayroong mas maliit na sakop ng brodkast. Naisipan ng gobyerno na gawin ang aksyong ito dahil mahalaga ang Radio Veritas sa pakikipagtalastasan sa mga tao na sumusuporta sa mga rebeldeng sundalo. Ang estasyong ito ay nagbibigay impormasyon tungkol sa mga pinakahuling galaw ng sundalo ng pamahalaan at ito din ang nagsisilbing daan upang manawagan sa pangangailangan ng pagkain, gamot at mga suplay.
Sa kabila nito, marami pa rin ang mga tao na dumagsa sa EDSA. Umabot sa daang libo ang mga tao na walang dalang ibang sandata. Ang ilan sa kanila ay may dala ng rosaryo at imahe ng Birheng Maria. Marami ang nakilahok sa malawakang pagdarasal (prayer vigil) sa pamumuno ng mga pari at madre. Marami naman ang gumawa ng mga harang o barikada gamit ang mga sako ng buhangin at mga sasakyan sa mga kanto sa kahabaan ng EDSA katulad ng Santolan at Ortigas Ave. Marami ding grupo ang kumanta ng “Bayan Ko”[8], na, simula pa noong 1980 ito ang naging makabayang awit ng oposisyon. Marami ding tao ang gumamit ng sagisag pang-kamay (hand sign) ng LABAN ; na ang hinlalaki at hintuturo ay bubuo ng letrang “L”.
Noong araw ding iyon bumisita ang dalawang rebeldeng pinuno sa kabilang kampo. Tumawid si Enrile sa EDSA mula Kampo Aguinaldo hanggang Kampo Crame sa pagitan ng mga maraming tao na nagsusuporta sa kanila.
Binalita ng Radio Veritas noong hapon na iyon na may mga batalyon ng Marines na papunta sa dalawang mga kampo sa silangan, at mga tangke na papunta mula sa hilaga at timog. Dalawang kilometro mula sa mga kampo, hinarang ng libo-libong mga tao ang isang batalyon ng tangke na nasa pamumuno ni Brigadier General Artemio Tadar sa Ortigas Ave. Nagsiluhuran ang mga madre at nagdasal ng rosaryo, at nagkapit-bisig ang mga tao para harangin ang mga sundalo. Sa kabila ng banta ni Tadar sa mga tao ay hindi sila umalis. Walang nagawa ang mga sundalo sa situwasyon, at di nagtagal umurong na lang sila ng hindi man lang nagpapaputok.
Noong gabing iyon ay bumigay na rin ang transmitter ng Radio Veritas. Bandang hatinggabi ay lumipat ang mga staff sa isang lihim na lugar para magpatuloy sa pagbo-broadcast, sa ilalim ng pangalang Radyo Bandido. Si June Keithley ang brodkaster na nagpatuloy sa programa ng Radio Veritas sa bagong estasyon sa nalalabing mga araw ng rebolusyon.
Marami Pang Pagbaligtad. Noong madaling araw ng Pebrero 24, Lunes, naganap ang unang matinding bakbakan sa pagitan ng mga loyalista at mga rebeldeng sundalo. Mabilis na tinaboy ng mga Marines na galing Libis ang mga demonstrador. Samantala, mahigit-kumulang na 3,000 Marines ang kumubkob sa silangang bahagi ng Kampo Aguinaldo.
Noong araw ding iyon inatasan mula sa Sangley Point sa Cavite ang mga helikopter sa pamumuno ni Major General Antonio Sotelo upang pumunta sa Kampo Krame. Lihim na palang bumaligtad ang nasabing grupo at sa halip na atakihin ang Kampo Crame ay lumapag sila doon. Maraming mga tao ang bumati sa mga sundalo na papalabas ng mga helikopter. Dahil sa pangyayari ay mas lalo pang sumigla si Ramos at Enrile na patuloy pang nananawagan sa mga sundalo na tumiwalag kay Marcos at sumapi sa kilusang oposisyon. Bandang hapon dumating si Aquino sa lugar kung saan naghihintay si Ramos, Enrile at ang mga opisyales ng RAM.
Ang pagkubkob sa Channel 4. Dumating kay June Keithley ang balita na papalabas na ng Malakanyang si Marcos at binalita naman niya ito sa mga tao sa EDSA. Nagdiwang ang mga tao; maging si Ramos at Enrile ay lumabas para magpakita sa mga tao. Subalit naging sandali lang ang saya noong lumabas si Marcos sa Channel 4 na kontrolado ng gobyerno. Sinabi ni Marcos na hindi siya bababa sa puwesto. Marami ang nag-isip na ang maling balita na ito ay isang paraan upang maghikayat ng mas marami pang pagbaligtad mula sa gobyerno.
Lumusob ang mga rebeldeng sundalo, sa pamumuno ni Colonel Mariano Santiago, sa estasyon ng Channel 4, at ang estasyon ay naputol sa ere. Nakubkob ng mga sundalo ang estasyon. Bumalik sa ere ang Channel 4, na may boses na nagsasabing “This is Channel 4. Now serving the people again.” (Ito ang Channel 4. Naglilingkod muli sa sambayanan.) Samantala, umabot na sa milyon ang mga tao sa EDSA. Sinasabi na ito ang senyales ng “pagbabalik muli” sa ere ng ABS-CBN. Ito ay sa dahilan na ang mga taong nagpapatakbo ng brodkast ng mga oras na ito ay mga dating empleyado ng ABS-CBN na pinangungunahan ng direktor na si Johnny Manahan kasama ang pinsan ng may-ari ng ABS-CBN na si Augusto “Jake” Lopez. Ang brodkast na ito ay pinangasiwaan nina June Keithley, dating ABS-CBN broadkaster na si Orly Punzalan at Bong Lapira kasama ang mga paring sina Fr. Bong Bongayan, Fr. Aris Sison at sina Fr. James Reuter.
Bandang hapon, linusob ng mga rebeldeng helikopter ang Villamor Airbase, na naging dahilan ng pagkawasak ng ilang sasakyang pampangulo. Mayroon namang isang helikopter na pumunta ng Malakanyang at nagpaputok ng raket, na naging sanhi ng maliit na pinsala. Noong lumaon din ay marami nang mga opisyales na nagsipagtapos ng Akademya Militar ng Pilipinas (Philippine Military Academy) at maging ng Hukbong Sandatahan ang tumiwalag sa gobyerno.
Samantala, minungkahi ni Heneral Fabian Ver ang paggamit ng dahas upang matigil ang lumalaking rebolusyon. Hindi pumayag si Marcos dito.
Ang panunumpa
Noong umaga ng Martes, Pebrero 25, bandang ikapito ng umaga, nagkaroon ng saguypaan sa pagitan ng mga loyalista at mga rebeldeng sundalo. May mga sniper na bumabaril sa mga rebeldeng sundalo. Subalit patuloy na sinugod ng mga rebeldeng sundalo ang estasyon ng Channel 9, na nasa hindi kalayuan ng Channel 4.
Maya-maya lamang ay nanumpa si Corazon Aquino bilang bagong pangulo ng Pilipinas sa isang seremonya sa Club Filipino sa Greenhills, isang kilometro mula sa Kampo Crame. Pinasumpa si Aquino ni Senior Associate Justice Claudio Teehankee, at pinasumpa naman si Laurel bilang Pangalawang Pangulo ni Justice Abad Santos. Hawak ni Aurora Aquino, nanay ni Ninoy Aquino, ang bibliang ginamit sa panunumpa ni Aquino. Kasama sa seremonya si Ramos, na na-promote bilang Heneral, si Enrile at ang iba pang mga pulitiko. Nasa labas ang maraming mga taga-suporta ni Aquino, na karamihan ay naka-dilaw bilang pagpapakita ng kanilang suporta. Matapos ang panunumpa ni Aquino ay kumanta sila ng Bayan Ko.
Samantala, nanumpa naman si Marcos sa Malakanyang. Nandoon ang ilan sa kanyang mga taga-suporta na sumisigaw ng “Marcos! Marcos! Marcos pa rin!” Ang panunumpa ay ginawa ni Marcos sa balkonahe ng palasyo ng Malakanyang, at binrodkast ito sa nalalabing mga estasyon ng gobyerno at ng Channel 7. Pagkatapos ng panunumpa ay umalis ang mag-asawa sa labas ng Palasyo. Naputol ang pagbrodkast nito noong kubkubin ng mga rebeldeng sundalo ang mga nalalabing mga estasyon.
Marami ding mga demonstrador ang pumunta sa Mendiola, hindi kalayuan mula sa Malakanyang, ngunit hinarang sila doon ng mga loyalistang mga sundalo. Maraming mga demonstrador ang nagalit, ngunit inawat sila ng mga pari na nakiusap na huwag maging marahas.
Ang Paglisan ni Marcos. Kinausap ni Marcos ang Senador ng Estados Unidos na si Paul Laxant, para humingi ng payo mula sa White House. Pinayuhan siya ni Laxalt ng “cut and cut cleanly”, na siyang kinalungkot ni Marcos. Bandang hapon, kinausap ni Marcos si Enrile para sa kanyang ligtas paglisan kasama ang kanyang pamilya. Pumunta ang pamilya ni Marcos sa Clark Airbase sa Zambales City bandang ikasiyam ng gabi, bago tuluyang lumipad ng Hawaii.
Marami ang nagsisaya sa paglisan ni Marcos. Napasok na rin ng mga demonstrador ang Palasyo ng Malakanyang, na dati ay hindi mapasok ng ordinaryong mamamayan. Maliban sa mga naganap na nakawan, marami din ang nagsilibot sa loob ng isang lugar kung saan binago ang kasaysayan ng bansa.
Maging ang buong mundo ay nagsaya. Ayon kay Bob Simon, isang tagapagbalita ng CBS na isang estasyon sa Amerika, ang nagsabi “We Americans like to think we taught the Filipinos democracy; well, tonight they are teaching the world.” (“Gusto naming mga Amerikano na isipin na kami ang nagturo sa Pilipinas ng demokrasya, ngunit ngayong gabi tinuturuan nila ang buong mundo.”)
Katapusan. Matapos ang rebolusyon, marami pa ring suliranin ang kinahaharap ng bansa. Ang ekonomiya ay kontrolado halos ng gobyerno. Sa kabila nito, sa pamumuno ni Corazon Aquino ay unti-unting bumalik ang demokratikong institusyon sa bansa.
Isinawalang-bisa ang Saligang Batas ng 1972, at sa halip ay gumawa si Aquino ng isang “Freedom Constitution” (Malayang Konstitusyon) upang pansamantalang maging saligang batas, hanggang sa natapos at naratipikahan na ang Saligang Batas 1987 na siyang kasalukuyang saligang batas ng bansa. Sa bagong saligang batas ay hindi na maaring tumakbong muli ang isang Pangulo ng bansa, na binibigyan ng anim na taon para mamuno.
Ang EDSA Revolution na naganap sa ating kasaysayan ay nawa’y magsilbing inspirasyon sa bawat Filipino upang matuto tayong lumaban sa maling sistema na maaaring umiral sa kasalukuyang panahon upang magkaroon ng magandang kinabukasan ang susunod pang mga henerasyon.
Sanggunian:
http://www.google.com.ph/

http://tl.wikipedia.org/wiki/Rebolusyong_EDSA_ng_1986

February 17, 2010

“IGPAW” laman ng dila, kalayaan ng wika

Filed under: Uncategorized — filipinolohista @ 12:37 pm

Welcome to WordPress.com. This is your first post. Edit or delete it and start blogging!

The Rubric Theme. Blog at WordPress.com.

Follow

Get every new post delivered to your Inbox.